Wednesday, July 15, 2009

Pamimilosopiya

Pagsasa-isa't-isa

Ang pagpepresensya ay nagaganap sa alaala, sa isip, sa paglalarawan at sa damdamin. Ngunit mas malalim kaysa sa lahat niyan ang pinanggagalingan. May isang pagbaling, pag-ugnay sa sarili, taos na pagtaya ng sarili. May pagsasakapuwa na nililikha sa mismong pagmemeron ng sarili, na bumabago sa mismong balangkas ng sarili. At hindi lamang pagtungo ng sariling presensya sa kapuwa, kundi pagtanggap rin ng tumutugon na presensyang nanggagaling sa kapuwa.

Tao sa banal

Ang pagsisikap manatiling tapat sa kapuwa ay landas na tigib sa pagkadapa, pagkasira ng loob, mga tentasyon na talikdan ang kapuwa, mga panahon ng dilim na parang lahat ay kahangalan. Sa lahat nito, nakadarama ang nagsisikap, na meron sumasakanya na umuudyok, tumatawag, nagbibigay loob. Nagbibigay loob na mahalaga ang sarili, mahalaga ang kapuwa. Ngunit hindi ito nararanasan sa porma na parang multo. Hindi rin presensya na mahihipo, ngunit presensya pa rin. Mas matibay kaysa sa anomang nadaramang presensya. Kung minsan parang nadaramang hindi nadarama pero tunay na tunay.

- Ferriols, Roque J. SJ. "Pakikipagtagpo sa Banal," mula sa kanyang Pilosopiya ng Relihiyon (Quezon City: Office of Research and Publications, 1995.


Muy interesante.
Pero nakaka-nosebleed.
Que horrror!

No comments: